Pahayagang Pangkampus sa Distrito ng Pitogo, Muling Sisimulan!
ulat ni Mar Z. Holanda
Nakilahok ang Pitogo Community High School (PCHS) sa isinagawang dalawang araw na training-workshop para sa muling pagsisimula ng mga paaralan sa kanilang mga pahayagan sa Distrito ng Pitogo noong Nobyembre 18 at 19, 2023.
Sa pangunguna ng punong-gurong nakatala sa pahayagang pangkampus, Gng. Soledad Ros, punong-guro mula sa Rizalino Elementary School naging matagumpay ang pagsasanay na layuning muling makapagsimula sa pagbuo ng diyaryo ang mga paaralan sa Pitogo.
Ang pagsasanay ay bahagi ng pa rin ng serye ng mga programa at gawain ng Distrito ng Pitogo na pinonduhan ng Lokal na pamahalaan upang mas patatagin ang edukasyon sa Pitogo.
Ayon kay G. Mar Z. Holanda, tagapayo ng Ang Punong Pitogo, napakagandang pagkakataon na makalahok ang PCHS sa ganitong gawain upang maisakatuparan na ang matagal na pangarap ng paaralan na makabuo ng diyaryo sa tulong at suporta ng paaralan at ng distrito.
Walo sa mga mag-aaral ng PCHS kasama ang mga tagapayo ng kanilang pahayag na sina G. Holanda, Guro I sa Filipino 10, Gng. Marylie P. Luico, Guro I sa Filipino 8 at Diosa P. Olase, Guro I sa Filipino 7 ang lumahok sa nasabing pagsasanay.
Positibo naman si Gng. Ros na masimulan na ng mga paaralan ang pahayag sapagkat ayon sa kaniya'y noon pa man, namamayagpag na ang bayan ng Pitogo sa larangang ito.
Tadhana namang maituturing ni Dr. Meriam C. Camposano, tagamasid pampurok ang pagdating niya sa Pitogo dahil noon pa man ay pangarap na niyang magkaroon ng pahayag ang mga paaralan at distrito na kaniyang napaglilingkuran.
"Ako ay napa-assign na sa iba't ibang distrito at pinagarap kong magkaroon ng campus journalism ang mga paaralan ... ngayon ito ay magkakaroon na ng katuparan sa bayan ng Pitogo" ani Dr. Camposano.
Bukod sa PCHS dumalo rin sa training-workshop ang lahat ng paaralan mula sa elementarya at sekundarya.
Liban sa pangarap na makapagsimulang muli ang Pitogo sa Dyornalismo, nais ding makalahok ng bayan sa nalalapit na Division Schools Press Conference na isasagawa sa Unisan, Quezon ngayong darating na Enero. #